Free Web Hosting Provider - Web Hosting - E-commerce - High Speed Internet - Free Web Page
Search the Web

 MAYAMAN KA! _

HINDI NGA LAMANG HALATA!

 

Ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes

Kalihim-Pangkalahatan, Katipunang DakiLahi
Pasimuno, Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan)

MASDAN natin ang ating sarili bilang mga Pilipino, masdan ang ating mga kababayan. Hindi ba’t sa kasalukuyan ay nasa kalunus-lunos tayong kalagayan? Hindi ba’t paminsan-minsan sa ating buhay ay pinapasok na rin nga tayo ng pagkaawa sa sarili? Huwag na! Hindi bagay sa atin ang ganyan!

Halos nakasanayan na ng karamihan sa atin ang basta umiwas sa gastos, ang paghihigpit ng sinturon, nakasanayan na natin ang umasang matanggap sa trabahong lilikhain daw ng pagpasok sa Pilipinas ng dayuhang kapital.

Di ba’t sa mga dayuhang pondo na nga natin iniaasa na magkakamit ng kaunlaran ang ating ekonomiya? Di ba’t sa dayuhang mga kemikal na rin natin iniaasa ang paglaki ng ani sa pagsasaka na lumiliit naman? Ano raw ang alam nating mga Pilipino, kung tayo-tayo lang? Saan daw tayo kukuha ng galing ng ikakapital? Ganitong mga tanong ang laging pumapatay sa ating mga pangarap sa tuwing nangangahas tayong magsimulang mangarap. Di ba’t nasa kalagayan ang karamihan ng Pilipino na labas-masok tayo sa pagiging dukha, kung di pa man talaga na ngang nalubóg na sa pagiging dukha, at ang buhay nati’y mabilis nang nagiging ‘sangkahig-‘santuka?

May sasabihin kami ngayon na maaaring ikagulat ng lahat… mayaman ka! may yaman ang Pilipino, pamanang lahat ng ating mga ninuno. Alay namin ngayon ang isang naghahamóng tulâ:

Mayaman ka! Maniwala ka sana!

Tunay mong ginto’y kayraming talaga!

Sana’y makilala mo’t maipakita pa

Sa sarili mong diwa, salita at gawa!

Tunay ka ngang tagapagmana

Ng maraming kayamanang ‘ba’

Na sa limot nga lang ay nabaón na

Kaya’t dapat tuklasin, puhunanin na!

Makilala mo kaya’t matandaan pa,

Ilan man lang o karamihan sa kanila?

Mag-isip muna tayo, at saka pa lang magpatuloy. Basahin ang mga “ba” na ngayo’y labindalawa na (nagsimula lang bilang “Pitong Perlas ng Pilipinas”) at malamáng na madagdagan pa. Sa dami nila, mahihirapan na nga tayong matandaan silang lahat! Ganito tayo kayaman! (Gumawa tayo ng listahan!)


1. BATHALANG KALOOBAN: Magandang Loob at Malakas na Loob

Nasa ubod ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ang Kislap ng Bathala na nasa kalooban nating lahat. Bathalang Kalooban ang tinutukoy na Malakas at Maganda sa alamat na binuo ng ating mga ninuno sa ating pinagmulan bilang lahi–ganda ng kalooban upang makipagkaisa at gumawa ng mabuti sa kapwa, at lakas ng loob at tiwala sa sarili upang kayanin na pangahasang simulan, matatag na pagpursigihan at ganap na ipagtagumpay ang mabuting mga hangaring ito. Ang magandang loob at lakas ng loob ay Bathalang Kalooban, na siyang pangunahing yaman ng bawat tao, kasama na tayo, sapagkat ayon nga kay Emilio Jacinto ay iisa lamang ang pagkatao ng lahat. Madalas nga lamang na maraming tao ang di pumapansin dito, isang pagkalakilaking yaman na sinasayang lamang!


2. BAHAY NA BUHÁY: Saganang Likas-Yaman

Ang ating mga ninunň, tulad ng lahat ng katutubň sa lahat ng dako ng mundo, ay marunong magmahal at mangalaga sa buháy na tahanang ipinagkaloob sa atin ng Lumikha, marunong makipamuhay sa mga hayop at halaman, sa Lupa, Araw, Hangin At Tubig (“L.A.H.A.T.”) bilang mga kapatid na dapat lamang arugain at pagyamanin, sa halip na pagsamantalahan, waldasin at pinsalain. Bahagi ng ating likás na kayamanan ang kamalayan ng ating mga ninuno na ang pagmamahal at pagkalinga sa bahay ng buong kalikasan ay karugtong ng pagmamahal at pagkalinga sa sariling buhay ng mga taong mulát na bahagi ng Likas na Pamayanan.



3. BAYANIHAN: Pagsasanib-lakas at Pagbabahagian

Unang namutawě sa mga labě ng ating mga ninuno ang katagang “bayaně” bilang isang pandiwa (verb) na ang katuturan ay “maglingkod sa pamayanan nang walang inaasahang katumbas na materyal na kabayarán.” Sa pagsasanib-sanib ng kanilang mga kakayahan, na sa maraming pagkakataon ay magkakaiba, nalilikha nila ang ibayong karagdagang kakayahan. Ang saganang likás na kayamanan ay nilalapatan pa ng pinagsasanib-sanib na lakas-paggawa sa produksyong ang saganang bunga ay pinagsasaluhan ng lahat, ayon sa kaparaanang nakabatay sa pagmamalasakitan at pagmamahalan. (Nito na lamang dulo ng siglong 1900s lumitaw at lumaganap ang kahulugan ng “bayani” na isang pangngalan (noun) na tumutukoy sa nagsasakripisyong mga tao.)


4. BANGKÂ SA BANGÂ: Hatíd sa Kabilang-Buhay

Hindi mga bangáng imbakan ng tubig ang tinutukoy dito, kundi mga bangáng lagakan ng mga labí ng mga pumanaw. Ganito ang Bangáng Manunggul na natagpuan sa isang kweba sa Palawan, humigit-kumulang 3,500 taon mula nang ito ay nilikha at ginamit. Ang kaibhan nito sa iba pang mga “burial jar” na natatagpuan na rin ay ang pigurín sa takip nito – isang bangka na may nakasakay na bangkerong may sagwan at isang pasaherong panatag na nakahalukipkip (tingnan ang larawan). Ayon sa pananaliksik, sumasagisag ito sa pagtawid (ng isang pumapanaw) sa Ilog ng Kamatayan tungo sa pampang ng Kabilang-Buhay (Afterlife). Tanda ito ng malalim na spiritwalidad ng ating mga ninuno mahigit sanlibong taon bago pa isinilang si Kristo. Tanda rin ito ng malapit na pagsasamahán ng kanilang pamayanan (ang “kulturang hatid” ay buháy na buháy pa rin sa atin hanggang sa ngayon).


5. BAYAD-SUKLIANG MATAPAT:  Bunga’y Kalakalang Maluwat

May kasabihan tayong “ang pagsasama nang tapát ay pagsasamang maluwát.” Sa maraming nagdaang siglo ay naging buháy na buháy ang pakikipagkalakalan ng ating mga ninuno sa mga komersyanteng Tsino. At di man gumagamit ng pera, sinikap ng magkabilang-panig na panatilihing patas (fair) at kapaki¬pakinabang sa lahat ng panig ang kanilang pagkakalakalan. Ayon sa opisyal na kasulatan ng kasaysayan ng mga pampamilyang kaharian (dynasties) ng Tsina, ang ating mga ninuno’y napakamatapat sa pagbabayad nang sapat o magkaminsa’y sobra pa nga sa mga kalakal na dala ng mga Tsino, kasama na ang mga kalakal na basta na lamang iniiwan ng mga ito sa dalampasigan at walang malinaw na tumatanggap. Ang pinakamaaga sa natuklasang mga taláng nagsasabi ng ganito sa kasaysayan ng Tsina ay may petsang 780 taon Bago kay Kristo.


6. BABAYLAN: Tagapangalaga ng Kalusugang Pangkabuuan

Bago pa lamang ang terminong “holistic health,” ngunit napakatagal na itong kalakarang pangkalusugan ng ating mga ninuno. May mga tao, na karaniwa’y babae at ilang binabaé, na inatasan ng pamayanan na gumamot sa nagkakasakit na katribo, batay sa masaklaw na ugnayan ng mga ito sa Bathala, sa mga spirito, sa kalikasan, sa kapwa-tao at sa sariling pagkatao. May malalim na pag-aaral at matatag na batayan sa mahabang karanasan ang mga hakbanging isinasagawa ng mga babaylan o katalonan, na ang mga katapat sa ngayon ay pinagsama-samang herbal pharmacist, pranic healer, geomancer, psychiatrist, faith healer, at mga doktor na general practitioner (GP).


7. BALANGHAYAN NG MGA TAGBALAY: Tunay na Buhay-Pamayanan

Maraming mga pangkat ng ating mga ninuno ang dumating sa ating mga kalupaan sakay ng malalaking bangkang tinatawag na “balanghai,” na matagal nilang pinanahanan. Sila’y naging mga “floating communities,” at ayon sa isang historyador (Veneracion), sa ganitong kalagayan nila unang nabuo at napanday ang diwa ng bayanihan. Pagsasanib-lakas ito bilang pamayanan ng mga taong mulat na kung hindi nila tuluy-tuloy na maisasabuhay ang kaisahan at ang diwang ito, lulubog ang balanghai at lahat sila’y mamamatay. Pagdaong sa mga pulo, nanatili silang mga komunidad na may mga pagkakataon pang lumilipat-lipat nang sama-sama bilang komunidad. Ang lakas ng balanghayan ay nakabatay sa marangal at mapagkaisang mga katangian ng mga indibidwal (mga tagbalay o “taga¬bahay” na aktibo sa pagiging may-tayâ), at sa higpit ng kanilang pagkakaisa. Ang silbi ng mga pinuno ay nasa pagpapalakas ng kakayahan ng bawat kasaping tagbalay ng pamayanan at pagpapalakas sa pagkakaisa ng mga ito, sa halip na ang sari-sariling personal na tapang at abilidad ng mga pinunong ito. At ang balanghai ay hindi na lang isang bangka kundi ang pami¬pamilyang sama-samang namuhay bilang balanghai. Malaki ang maitutulong kung maibabalik natin ito, at ang kasalukuyang mga baranggay hindi aakalaing ang konseho lamang nito o ang teritoryo lamang nito.


8. BAHAGHARI SA PAGLIKHA: Makulay na mga Likhang Salaminan ng Kasaganahan

Hindi hinanap ng ating mga ninuno ang “ginto sa dulo ng bahaghari.” Kinuha nila ang bahaghari mismo, ang sari-saring kulay nito, upang lumikha ng maraming makulay na mga disenyong sumasalamin at nagpapasalamat sa kasaganahang tinatamasa nila mula sa mapagpalang mga kamay ng Lumikha. Karamihan ng mga habi, at pati na ang mga ipinipinta sa katawan, ang mga kwintas at pati ang mga balahibong-ibon na ipinandudulo sa mga palaso ng mga mandirigma at mangangaso ng mga tribo, mula sa hilaga hanggang sa dulong katimugan, ay punung-puno ng makislap na mga kulay. Halimbawa rin ang sarimanok, bahag ng mga Igorot at malalaking mga layag ng naggagandahang vinta ng mga Moro. Tagapagmana ng mga ito sa kasalukuyan ang makulay na mga jeepney, ang mga arko at iba pang palamuti ng pista, at mga paról ng Pampanga.


9. BALIK-LOOB SA UNAWAAN: Pagtutuwid Tungo sa Paghihilom

Ang anumang pagkakasalang nagagawa ng sinuman sa ating mga ninuno ay hinaharap nila ng sama-samang pagsisikap na ituwid ang kalakarang nabaluktot ng pagkakasala, upang ganap na hilumin ang sugat, biták o lamat na nalikha. Pinagtutuunan ng paghihilom ang pagkumpuning magagawa pa sa nalikhang pinsala sa tuwirang biktima at sinasaklaw pati ang panloob na sugat ng nagkasala, at pinagsusumikapang ang lahat ng nasasangkot ay ganap na magkaunawaan -- ukol sa mga pinag-ugatan ng pangyayari, at sa laki o pinsalang ibinunga nito. Ang pagbabalik-loob ng lahat sa matiwasay na kaisahan ng pamayanan ay di-hamak na mas mahalaga kaysa anumang pamamarusa. Ngayon ay unti-unti nang natutuklasan ng mga sistemang pangkatarungan ng Kanluran na mas mabisa sa katiwasayang panlipunan at pananatili ng kaayusan ang reformative o reconstructive justice na napakatagal na nating alam at pinairal nga sa libu-libong taong namuhay nang maayos at mapayapa ang ating mga ninuno. Ang salitang-ugat ng katagang “katarungan” ay “taróng,” na ang ibig sabihi’y unawŕ.


10. BANIG NG PAGNINIIG: Pagsasanib sa Kaisahang Mahigpit

Ang madalas na ginagamit bilang sagisag ng mahigpit na pagkakaisa ay ang walis-tingting. Ngunit mas mainam maglarawan ng matibay na pagsasanib ang banig at iba pang habi. Una, ang tibay ng banig ay nasa pagkakaayos, sa higpit ng pagyayakapan, ng mga hibla ng habi, hindi ng anumang pakitang-tao lamang na pagsasama-sama. at hindi nakaasa sa mahigpit na pagkakasakal sa kanila ng isang panlabas na bigkis. Ang maluwag o buhaghag na pagsasama-sama ay sadyang marupok, madaling mabuwag! Pangalawa, ang nagsasama-samang hibla sa banig at iba pang habi ay may mga kulay na magkakaiba, di tulad ng mga tingting na lubusang magkakatulad. Sa husay ng paghahabi sa magkakaibang kulay na ito nabubuo ang napakagagandang mga disenyo. Lahat ng ating mga ninunong tribo, sa lahat ng dako ng ating mga pulo, ay mahuhusay maghabi ng matitibay at magagandang banig, bahag, tapis at iba pang habi. Isang tradisyon itong nabubuhay na nang libu-libong taon.


11. BAYBAYIN: Panulat ng Lahat

Ayon kay Andres Bonifacio, ang ating mga ninuno ay may sariling panulat na alam gamitin ng lahat, pati na ng mga “bata, matanda, sampung mga babae...” Halos mayroon tayong matatawag na “universal literacy” noong naunang mga milenyo (ngunit hindi na tinuruang bumasa at sumulat ang kababaihan sa ilalim ng paghaharing Espanyol). Ang panulat nating baybayin (na kilala rin sa katawagang “alibata”), na may iba’t ibang anyo ayon sa stilo ng sulat-kamay ng mga sumusulat, ay nauunawaan ng mga tribong nananahanan sa mga pook na malayong lagpas sa kasalukuyang hangganan ng kapuluang Pilipinas. Walang mga tahimik na pantig (purong tunog ng katinig o consonant sounds), kaya’t magkakatulad ang baybay sa mga katagang “bala,” “balak,” “balat” at “bakla.” May sapat namang talas ng pag-iisip ang ating mga ninuno upang mapag-iba-iba ang pagkilala sa mga ito ayon sa konteksto ng kinapapaloobang mga pangungusap. Lumalaganap ngayon ang pantigan, ang baybayin na sinamahan na ng mga tahimik na pantig. Nilikha ito upang padaliin at tuloy engganyuhin ang malawakang pagkilala at paggamit ng ating panulat sa kasalukuyan.


12. BANAWE: Sanib-Sipag na Walang Katulad

Nang una nating bansagan ang Banawe Rice Terraces na 8th Wonder of the World,” may mga nangutya at isinisiksik daw natin ang sariling gawa sa pipito lang daw na “wonders of the world.” Ngunit nang kilalanin ng UNESCO ang Banawe na “World Heritage Site,” tumigil ang pagdududa at paghamak. May batayan pa nga tayong ituring na ang mga payao (rice teraces) ng Hilagang Luzon ay nakakalamang sa tinaguriang “Seven Wonders.” Karamihan sa pito ay gawa ng mga alipin, pero ang mga sakahan sa bundok ay kusang-loob at sama-samang nilikha ng malayang mga Ifugao at Igorot. Nilikha ito para sa produksyon ng pagkain, hindi para sa prestihiyo ng nagpagawa o kasiyahan ng kanilang mahal sa buhay. Sa husay ng disenyo, napakinabangan ang mga bukiring ito nang mahigit tatlong libong taon na gumana nang mahusay ang sistema ng patubig, pati na ang “honor system” ng mga tribo na kinailangan dito.

 

DITO NATATAPOS ang paghahanay natin ng tunay na mga yaman ng ating mga ninuno na ginamit nila upang maayos na mamuhay at makipamuhay sa kapwa sa loob ng libu-libong taon. Ang natutukoy pa lamang ay ang mga yamang nakayanan naming pangalanan ng mga katagang nagsisimula sa pantig na “ba.” Tiyak naming kulang na kulang pa ito. Ngunit sapat na rin upang mapanindigan na nating tayong mga Pilipino ay napakalayo sa kaawa-awang mga nilalang na walang nalalaman at walang kakayahan. Libu-libong taóng umiral ang mga ito sa buu-buong pamayanan, samantalang wala pang kalahating milenyo mula nang makapaghari dito ang mga dayuhang ang sadya ay pananakop. Hindi maaaring nabura na nang ganap ang mga ito sa ating diwa at kamalayan bilang isang lahi. Ngayon nga lamang ay nababalot na ng mga pag-iisip, ugali at gawi na baliktad sa tunay nating kalinangán bilang isang dakilang lahi. Sa pana-panahon naman, laluna kapag may kalamidad at kagipitan, lumalabas ang tunay nating mga katangian -- kagandahang loob at lakas ng loob -- sa mabilisang pagdadamayan at pagmamalasakitan. Kailangang mabawi natin ang kakayahan na ang ganitong kadakilaan ay di lang maipantugon sa kalamidad kundi maipuhunan pa sa pag-unlad ng kabuhayan ng pamayanan at ng mga mag-anak na bumubuo nito. Kapag sapat na nating mabawi ang tiwala sa sarili at sa kapwa, at mabawi ang tayaan at tangkilikan sa ating kabuhayan at ugnayang panlipunan, kayang-kaya na nating ibalik ang lahat ng yamang nararapat nating tamasahin bilang mga anak ni Bathala sa bahaging ito ng daigdig! =

 

 

Unang inilathala sa magasing TAMBULI ng Dakilang Lahi